Ewan kung tunay yung tinatawag na karma, o kung ang aking intindi ay tugma rin sa orihinal na pangkahulugan. Malimit marining: ingat ka lang, baka ika'y makarma-- na para bang isang babala na balang araw bigla na lamang susulpot ang isang sakuna o kamalasan upang ipaghiganti ang isang kasalanang nagawa. Sa akin, ang tingin ko, ang tinatawag na karma ay hindi parusa, kundi lamang isang salamin. Parang ganito: playboy ka ngayon, wala kang nakikitang masama kung palit-palit sabay-sabay patong-patong ang iyong syota. Hantayin mo, kaibigan, pagdating ng panahon, baka regaluhan ka ng Diyos ng bukod tangi't nag-iisang ubod-ng-gandat-hayop-sa-kaseksihang anak na babae...na kuha ang ugali mo, pati. O kaya ika'y mapangkutya sa mga pangit dahil naturingan kang maganda... ang napangasawa mo-- isang bugoy na saksakang facially challenged (??)!! Kumbaga, parang binabaliktad lang ang sitwasyon, siguro upang ating makita ang ating sarili kung ano-- tama ba o mali, me bahid o wala, itim ba o puti o sa gitna. Isang paham ang may sabing ang Diyos naman ay hindi nanghuhusga kundi tayo mismo ang nagpapataw noon sa ating sarili; ang Diyos babaliktarin lamang ang situwasiyon upang magsilbing ating salamin at mismong masaksihan kung tayo ay papasa sa ating sariling timbangan. Halimbawa ulit, katulad ngayon, tingnan mo ang ating bayan-- ang kampo ni Arroyo at kampo ni Erap. Minsan naturingang kinatawan ng kademonyohan, kakurakutan, kawalanghiyaan, at kabobohan ang pamahalaang Erap. Ngayon mukhang baliktad na. Kaya siguro biglang tahimik na lamang ang mga minsa'y nangatawan ng kabanalan at kahusayan.
Comments